
(CLICK PHOTO TO READ BEACH RULES)
Paulit-ulit ayon sa pagpapalit-palit ng mga namamahala ang hindi magkamayaw na pagtatalo tungkol sa kung ano ang mas marapat na gamiting midyum ng pagtuturo at pakikipagtalastasan dito sa Pilipinas. English ba o Filipino? Na para bang dapat pang pag-isipan, pagtalunan at pag-ubusan ng panahon ang tila binibigyang kaselanang paksang ito. Na ayon naman saPhil-Am Commentary ang midyum daw ang messy.
Hindi ako kontra-English. Sa katunayan, isa sa mga paborito kong asignatura ang English mula pa noong nasa elementarya ako. Sa katunayan pa nga, madali kong natutunan at naunawaan ang nakahihilong batas ng wikang Ingles. Sa katunayang muli, malaki ang naging tulong ng kasanayan ko sa Ingles sa pagkakaroon ko ng trabaho kahit wala pa ako sa edad. At sa katunayang lubos, ang laki ng tulong ng English bilang midyum ng pagtuturo sa amin noon dahil nahasa kami ng husto sa pag-unawa dito. Kaya nagkaroon talaga ito ng malaking puwang sa isang sulok ng kaluluwa ko.
Pero kung papipillin mo ako kung alin sa dalawa ako mas komportableng maging ako, siyempre sa Filipino na. Paano mo isasalin sa English ang ganito kadaling Tagalog: “Ang sarap mangalikot ng kulangot!” Subukan mo lang.
Kaya isang araw, para mailabas ko naman ang mga kinikimkim ko, pumayag akong ma-interview tungkol sa Filipino bilang midyum ng komunikasyon. Eto ang tanungan at sagutan namin.
ANO ANG MASASABI MO SA KASALUKUYANG NAGAGANAP SA ATING LIPUNAN NA WIKANG INGLES ANG GINAGAMIT NA PANGUNAHING MEDIUM OF INSTRUCTION SA EDUKASYON, MEDISINA AT KOMUNIKASYON? SANG-AYON KA BA DITO O HINDI?
Isyu na ang paggamit ng Ingles bilang midyum ng pagtuturo noong high school pa lang ako. Wala namang masama dito dahil lumalawak ang kapasidad ng tinuturuan. Sa pamamagitan ng pag-aaral at pagkakatuto sa wikang Ingles, maraming mga pintuan ang nabubuksan. Nagkakaroon ng pang-unawang unibersal, lalo na sa larangan ng Medisina, Batas, at Teknolohiya. May kakatwang lengguwahe ang mga kasanayang iyan na tanging sa Ingles lang naipapahayag.
Magandang gamitin ang Ingles bilang midyum kung nagkakaintindihan ang nagtuturo at ang tinuturuan. Ang pagtuturo ay isa ring sang ng pakikipagtalastasan. Kung hindi mauunawan ng tumatanggap ng mensahe ang ipinahahayag ng tagapagbigay nito, walang komunikasyong nagaganap. Samakatuwid, kung ang nakakaintindi lang ng Ingles ay ang mga nagtuturo at hindi ang tinuturuan, walang nagaganap at walang tumatalab na pag-aaral.
Sang-ayon ako dito kung – at ito’y isang malaking KUNG – masisiguro ng mga tagapagturo na lubos na nauunawaan ng tinuturuan ang mga aralin.
MAY EPEKTO BA ITO SA ATING SARILING WIKA? KUNG MERON, ANO AT BAKIT? KUNG WALA, BAKIT?
Depende siguro sa kung sino ang tatanungin. Kung ang epektong ipinahihiwatig ng tanong ay epekto na maaaring maging maliit ang pagtingin sa wikang Filipino, hindi ko ito nakikitang mangyayari. Ang sariling wika natin ay lalaging sariling wika natin, kahit gawin pang Ingles o Espanyol o Aleman ang midyum ng pagtuturo.
Kahit na nga may English-speaking campaign sa eskuwelahan, nangingibabaw pa rin ang pakikipag-usap sa Tagalog.
Kung ang epektong tinutukoy naman ay may kinalaman sa paggamit ng Ingles bilang midyum ng pagtuturo, may epekto siyempre. At positibong epekto ito. Kasi, para sa mga hindi nakakaunawa sa wikang Ingles, maririnig mong sasabihin nilang, “Tagalugin na lang kasi!” Nagiging sandalan at duyan ng pang-unawa ang wikang Filipino. Mas napapahalagahan ito.
BILANG ISANG ESTUDYANTE, NAKABUBUTI BA O NAKASASAMA ANG PANGHIKAYAT SA MGA ESTUDYANTE NA GAMITIN ANG INGLES SA LOOB AT LABAS NG KANILANG SILID-ARALAN?
Kung ang mga estudyante ay nasa formative years pa, halimbawa – nursery, elementary at hanggang high school – napakahusay na sa murang gulang pa lang, maturuan na sila at mahasa sa tamang pagbigkas at tamang paggamit ng wikang Ingles. Malaking puhunan iyan. (Sinasang-ayunan naman ako dito ni Maya na isinulat ang blog post na ito dalawang linggo matapos ang interview.)
Pero kung ang mga estudyanteng hihikayatin na gumamit ng salitang Ingles ay yung mga tumuntong na ng Kolehiyo ay hindi pa eksperto sa ugnayan ng simuno at panag-uri, mahirap na laban na iyan. Ang mangyayari, magpapambuno lang kayo sa pamimilit na mag-Ingles, pero hindi sasapat ang 12 units ng English para maging mataas ang antas ng komunikasyon sa Ingles.
SA LETRAN, HINIHIKAYAT ANG MGA ESTUDYANTE NA GAWING PANGALAWANG WIKA ANG INGLES SA IBA'T-IBANG KADAHILANAN. PERO SA KABILA NG MGA KAMPANYANG ITO, IILAN LAMANG DAW ANG MGA LETRANISTANG MAHUSAY MAG-INGLES. ANO ANG MASASABI MO TUNGKOL DITO?
Nasisiguro kong maganda ang layunin ng Letran sa kampanyang ito, lalung-lalo na’t napakahigpit ng labanan para makakuha ng mahusay na trabaho pagkatapos ng kolehiyo.
Iba na ang demograpiko ng mga mag-aaral ngayon. Kung ang isang estudyante ay hindi naman naging bihasa sa paggamit ng wikang Ingles sa elementary at maging sa high school pa lang, mahirap na itong pasunurin pa sa kolehiyo. Maliban na lang kung ang estudyante ay laki sa isang bahay na sanay sa pakikipag-usap sa Ingles, hindi likas sa mga kabataan ngayon ang magsalita ng Ingles.
Malaki ang kinalaman ng pamilya sa pagbuo ng ganitong oryentasyon. Kaya lang simula pa noong 1980, maraming pamilya na ang nagkahati-hati dahil sa OFW phenomenon. Ang mga magulang nangingibang bayan ay hindi na nagkakaroon ng panahon na tutukan ang pag-aaral ng mga anak.
Noong mas naunang panahon, ang mga likas na mayayaman lang ang talagang nakatutuntong sa mga pribadong paaralan. Yung mga nasa ganitong antas lang ang talagang may likas na kakayahang mag-Ingles. Yun ang talagang gamit nila kahit nagkukuwentuhan lang ng mga walang katuturang-bagay. Pero ngayon, ang mga anak ng mga nouveau riche halimbawa ay nakakatuntong na rin ng pribadong paaralan kahit pa nga hindi naman likas sa kanila ang oryentasyong English-speaking.
Dito sa Letran, napakarami nating estudyante na mga anak ng mga OFW workers. Ewan ko lang kung mayroon tayong ganyang klase ng statistics.
MAY IBA KA PA BANG IDEYA, OPINYON AT OBSERBASYON TUNGKOL SA ISYUNG ITO?
Galing ako sa public school noong elementary ako at high school. Hindi kami nag-i-English sa bahay. Nagkataon lang na paborito kong subject ang English kaya maaga pa lang, hindi naging mahirap sa akin ang paggamit nito. Sa katunayan, dahilan lang sa kakayahan kong mag-English kaya maaga akong nakakuha ng trabaho noong disisais anyos pa lang ako.
Sa panahon ngayon, naniniwala akong hindi ang kahusayan lamang sa Ingles ang magiging pamantayan ng isang mahusay na mag-aaral. Nagiging mahusay din siya kung malaya siyang nakakapagpahayag ng nasasaloob sa isang midyum na likas at hiyang sa kanya. Isa sa mga mahahalagang kapamaraanan sa paghubog ng diwa at puso ng isang mag-aaral ay ang pabayaan siyang mabigyang hugis, kulay at katwiran ang nasasa-dibdib at nasasaisip.
Kung papipiliin ako kung alin ang higit na mabisang paraan ng pag-arok ng natutunan ng isang mag-aaral, mas hahayaan ko siyang magpaliwanag, mangatwiran, makipagtalo, makipaghasaan ng isip sa isang lengguwaheng magpapahayag ng eksaktong nasasaloob niya. Paano niya magagawa ito sa isang wikang banyaga na hindi man lamang niya mabigkas ng tama?
Sa aking palagay, mabibigyan ng kinang ang bahaging “Patria” ng Letran motto, kung hindi na lubhang sasalungguhitan ang English-speaking campaign lalo na sa kolehiyo. Apat na taon lamang ang bubunuin ng mga estudyante dito. Kung gugugulin pa iyan sa pagiging conscious sa Ingles, konti na lang ang matitira sa mas dapat na bigyang pansin. Naniniwala akong magiging malaking plus factor at magiging mabunga ang apat na taong iyon kung mahahasa ang kanilang isip sa pagiging dalubhasa sa pagpapahayag ng damdamin sa sariling wika, kaysa sa pagkawala sa sarili tuwing nagsasalita ng Ingles.
***
Pero magtataka ka ha? Sala-salabat ngayon ang medium sa Internet kung saan nakasawsaw ang maraming kabataang Pinoy. May Friendster, may Blogger, may WordPress at kung anu-ano pa. Kanya-kanyang blog yan. Basahin mo ang mga entries ng karamihan. Nakakangilo ng ngipin ang Ingles. Pero yun ang gusto nilang gamiting medium, ha?
Mas mabili ang mga English sites kagaya ng online versions ng mga diyaryo. Palagay mo mas marami ang nagbabasa ng Pilipino Star o Banat kaysa sa Inquirer o Philippine Star? May Tagalog version ang Blogger pero ang mga comment na naririnig mo, puro pang-isnab. Mas gustong mag-search sa English Google. Ayaw sa Yahoo.ph version! Tipikal ba talaga ito sa Pinoy?
Alam kaya nila ang laya ng diwang Pilipino na siyang kumakatawan sa pagiging Pinoy ng isang Pinoy? Kaya ako, enjoy ako kapag nagbabasa ako ng mga blog ng mga pusakal na Pinoy. Kagayan nina Kobe, King Daddy, at Ohh...Thoughts (na may mga rekomendasyon pang ibang nakakaaliw na blog) Alam na alam mong magkasundo kayo. At alam mong kapag binabasa mo ito, huling-huli mo ang kalikaw ng bituka ng nagsusulat. Kasi, iisa lang kayo.
Ang wika ang sumasalamin sa kaluluwa ng isang bayan. Sa pamamagitan ng wika, nagkakaroon ng hugis at kulay at katawan ang nilalaman ng diwa. Naipahahayag ito, naipauunawa, naipamamanhik, naitataguyod. Ang wika ang tulay ng pakikipag-isang isip, ang suhay ng pakikipag-isang loob, ang bigkis ng pakikipagkapwa.
Ang wikang Filipino ang wika para sa mga Filipino.

No comments:
Post a Comment